Seniors hinampas ang Juniors, 3-0
1st Place
Pagsulat ng Balitang Isports
Regional Schools Press Conference 2010
Butuan City School of Arts and Trade
Butuan City
Ivy Charett Q. Madrista
ADSCO
BUTUAN CITY- Hinampas ng Seniors (Unit 4) ang Juniors (Unit 3) gamit ang sidespin ng lefthanded na si Garzon Gavine at drivespin ng righthanded na si Eden Mae Gabelan sa kanilang Intramural Meet ng Table Tennis (3 out of 5 win Mix Double Category) na ginanap sa Butuan City Schools of Arts and Trade kanina, sa dako ng alas dyes ng umaga, kasabay ang makulimlim ngunit mainit na panahon.
Ipinamalas ng bawat koponan ang kanila- kanilang opensa ngunit namayagpag ang Seniors nang bumulusok ang nagliliyab na drivespin ni Eden Mae Gabelan at sinundan ng rolling ni Garzon Gavine, kung saan nahirapang ibalik ito ng kalaban sa kanila sa unang set ng laro, 11- 2.
Kinontrol na ng Seniors ang laro at hindi na hinayaang makaporma pa ang Juniors nang ipinakita ni Eden ang kanyang naglalagablab na block. Ipinalasap din ni Garzon ang kanyang nakamamanghang backhand chop na talaga namang nahirapan ang Juniors na ibalik ang bola sa kanila, dahilan kaya sila nagningning sa ikalawang set ng laro, 11- 6.
Di maiguhit ang mukha ng mga manonood dahil sa sabik na nararamdaman kung ano ang kahahantunang ng laro. Mas itinutok nila ang kanilang mga mata sa laro lalo na sa pangatlong set.
Ibinuhos na ni Nathan Rey Laag at Jeaurine Robles ng Juniors ang buong lakas ng kanilang kamay pang- opensa upang manalo ngunit hindi ito sapat para mangibabaw.
Tuyluyang inilugmok ng nagbabagang seniors ang naghihikaos na juniors gamit ang nakamamanghang sidespin ni Garzon at sinundan ng drivespin ni Eden sa pangatlong set ng laro dahilan kaya nila nakamit ang tugatog ng tagumpay, 11- 6.
“Mas labaw among experience kay 4th year nami unya sila 3rd year pa. kulang pa sila sa practice ug technique,” bulalas ni Eden Gabela. #
1st Place
Pagsulat ng Balitang Isports
Divisional Schools Press Conference 2010
Trento National High School
Trento, Agusan del Sur
Ivy Charett Q. Madrista
ADSCO
Lizards sinupalpal ang Phoenix, 2-1
Gilbert Madidis, umarangkada
TRENTO, AGUSAN DEL SUR- Sinupalpal ni Gilbert Madidis ng nagliliyab na Lizards ang naghihikaos na Phoenix gamit ang kanyang bumubulusok na ispyk sa kanilang pang- eksibisyong laro ng balibol (15-10, 11-15, 15-6) na ginanap sa parihabang kurto ng balibol ng Trento National High School, kanina, sa dako ng alas tres ng hapon, kasabay ang makulimlim at umaambong panahon.
Ipinalasap ng bawat koponan ang hagupit ng kani- kanilang opensa sa kabila ng maginaw na panahon. Ngunit mas namayagpag ang Lizards nang ipinamalas nila ang kombinasyon ng nagbabagang tos ni Ken Beldeniza at sumisiklab na wallop ni Anthony Salili sa unang set ng laro, 15-10.
“Perminte jud siguro ni sila gapraktis kay maayo man jud sila mangduwa,” sambit ni Honyve isang manood habang kasalukuyang naglalaro ang mga manlalaro sa unang set.
Kumayod na parang Marinoi ang Phoenix upang malamangan ang Lizards at hindi naman sila nagkamali. Gamit ang matitinding ispyk ni Jezrel Plaza at naglalagablab na blak ni Neil Kens Malimbag nakuha nilang makaungos sa kalaban sa ikalawang set ng laro, 15-11.
Nalilito ang mukha ng mga manonood kung sino nga talaga ang mananalo sa dalawang malalakas na team at kahit pa nagpakita ng pangit na emosyon ang langit, hinintay nilang matapos ang nakakamanghang laro ng bawat koponan sa huling set ng laro.
Pinataob na ng tuluyan ng Lizards at hindi na pinaporma pa ang Phoenix nang ipinamalas nila ang sunod- sunod nilang tos at wallop na atake na tila sila ang nagpainit sa buong paligid.
Parang basing sisiw kung maituturing ang Phoenix ng hindi nila maibalik sa Lizards ang bawat ispyk na inialay ni Gilbert Madidis dahilan kaya nila nakuha ang tugatog ng tagumpay, 15-6.
“Naa man jud me cooperation, determination ug teamwork mao nadaog me,” bulalas ni Gilbert Madidis. #